By: Mr. Arman Fransisco (Artist)
Monday, August 10, 2009
Carlo J. Caparas: Pasok ba o Hindi sa Visual Artist Category?
Carlo J. Caparas
Isang controversy ang yumanig kamakailan kung saan ang nasasangkot ay ang mga alagad ng sining. Isang titulo ang ipinagkaloob kay komiks writer/novelist and movie director Carlo J. Caparas. Ang pagiging National Artist.
Marami ang pumuna, tumutol at nagprotesta sa paggagawad na ito ng titulo kay Caparas. Maging ako ay nagpahayag ng aking komento at saloobin dito kung saan hindi rin ako pabor dahil naniniwala akong mayroong pulitikang involved dito kahit ano pang denial ang sabihin nila. Naniniwala rin ako noong una na may nahakbangang mas karapat-dapat mabigyan ng ganitong titulo.
Gusto kong ilayo ang usaping pulitika sa aking pagtalakay kung si Carlo J. Caparas nga ba ay “qualified” o “hindi qualified”. Kung komiks ang pag-uusapan, sabi ng ilan ay hindi naman siya isang dibuhista na gumuguhit ng kanyang mga pinasikat na karakter sa nobelang kanyang sinusulat. Kung pelikula naman ang babalingan, hindi naman siya “worthy” dahil karamihan sa kanyang mga dinirek na pelikula ay massacre films at walang kuwenta.
Sa pelikula, may Director, may Cameraman at may Scriptwriter. Silang tatlo ang may malaking papel na ginagampanan para makabuo ng isang maganda, artistic at makabuluhang pelikula. Ganoon pa man, kapag pinagkalooban sila ng award, may kanya-kanya silang kategorya. May Best Director, Best Scriptwriter at Best Cinematography. Kapag ang pinarangalan mismo ay ang pelikula bilang Best Picture, ibinibigay nila ang kredito sa Director sa mahusay nitong pagdidirihe ng naturang pelikula. Dito ay bagsak daw si Carlo J. Caparas. Mas lutang sa kanya ang mga pangalang Lino Brocka, Ismael Bernal et al.
Ngayon, sa komiks naman tayo dumako. Sa komiks, dalawa lang halos ang taong gumagalaw. Ang Scriptwriter at ang Illustrator. Ang Editor ay may mahalaga ring ginagampanan bagamat, sa trabaho nitong editing siya nakatutok kapag approved na ang isang istorya o nobela. So, it is a teamwork between the two, the writer and the illustrator. Mayroon din namang writer na, siya pa rin ang illustrator sa komiks at dito nga nakahanay sina Francisco V. Coching, Larry Alcala at isama na rin natin si Vincent Benjamin Kua. Walang kuwestiyon sa tatlong binanggit ko ang pangalan dahil kopo nilang lahat ang trabaho, writer and at the same time illustrator ng kanilang mga obra. Pero hindi lahat ng nasa komiks ay ganito ang katayuan. Ninety-nine percent na nasa komiks, kung writer ka at mas gamay ka dito (o mas kumikita) mag-iistick ka na lang dito, ganoon din naman sa pagiging illustrator. Sa panahon ng pagsusulat ko sa komiks, 75% din ng mga writer na nakasama kong magsulat ng script ay marurunong magdibuho. They knew the craft and even started as an illustrator. Hindi kataka-takang marunong o nakakaintindi ngang magdibuho si Carlo J. Caparas. Pero gaya ng kanyang sinabi kay Che Che Lazaro sa isang talk show na ang isyung ito ang pinag-uusapan, “mas malaking kumita ng salapi” si Carlo J. Caparas sa pagsusulat sa komiks kaysa sa pagdidibuho na inaabot ng 3 Linggo. Gutom nga ang aabutin niya dito. So, mas pinili ni Caparas na magsulat na lamang, gaya ni Jim “Zuma” Fernandez na nagsimulang dibuhista pero kalaunan ay sa pagsusulat na lang nag-concentrate. Ganoon din si Virgilio “Palos” Redondo. Si Nestor “Buhawi” Redondo naman, bagamat nagsusulat din ng nobela noon, mas nag-concentrate naman ito sa pagdidibuho sa komiks.
Ngayon, ang pupuntuhan ko naman ay ang dalawang ito, ang writer at illustrator. Si Mars Ravelo, Pablo Gomez at Carlo J. Caparas ang tatlong writer/novelist sa komiks na umani ng popularidad sa industriya ng komiks. Ganoon pa man, hindi ko naman ini-etsa puwera dito si Tony Velasquez bilang creator ni “Kenkoy” at maituturing na ama na rin ng komiks. But Ravelo and Caparas created many immortal komiks characters at naging institusyon na ang pangalan. Naging bukang bibig din ito ng mga komiks readers, sa buong kapuluan ng Pilipinas, gaya ng Captain Barbell at Darna ni Mars Ravelo at “Ang Panday at Bakekang ni Carlo Caparas. Kapag nabanggit ba ang Darna, o Panday character nila, naririnig ba ninyong sinasabi ng mga taong si Jim Fernandez at Steve Gan ang nag-dibuho ng mga ito? Sa pagtanggap ba ng royalty ni Caparas at Ravelo, nagpepetisyon ba ang mga taong nagdibuho nito na sila man ay dapat ding makabahagi dahil sila ang nag-drawing ng mga karakter na iyon? Hindi. Ang dahilan, ang writer ang lumikha ng mga karakter na ito. Yes, hindi ko binabale-wala ang naging contribution ng mga illustrator sa paglikha sa kanilang imahe, pero ang writer din ang nag-direk sa mga illustrator na ito kung anong imahe ang kanilang ido-drawing. So, sa komiks, ang writer ay hindi lamang basta writer, sila rin ay maituturing na director at ang illustrator naman ang nagsisilbing cameraman.
Dalawang tungkulin ang hawak ng isang scriptwriter sa komiks. He or she is also a director. Bakit? Dahil siya ang naglalagay ng illustration guide sa script na iguguhit ng isang dibuhista. Hindi pa ako gumawa ng komiks script sa panahon ng aking pagsusulat na hindi ko nilalagyan ng illustration guide. Maaaring kung minsan ay madetalye ito puwede rin naman maikli lamang bilang pagrespeto na rin sa isang illustrator na gumana naman ang kanyang pagiging creative. This illustration guide is a part of any script in komiks scriptwriting. It is a requirement sa pagbuo nito at natitiyak ko na isosoli sa iyo ng editor ang iyong script kapag wala kang inilagay na ganito sa iyong sinulat no kuwento o nobela. Hindi rin puwedeng ibigay na lamang sa isang illustrator ang script at sabihin ditong bahala ka na diyan. Ergo, sa komiks, ang writer ay isa ring director.
Pumunta naman tayo sa kategoryang “Visual Artist”. Si Carlo J. Caparas ba ay qualified kung komiks ang pag-uusapan, na pagkalooban ng National Artist sa ganitong category? Gaya ng sabi nila, hindi naman si Carlo ang nagdidibuho ng kanyang mga pinasikat na karakter sa kanyang nobela. Ang illustrator ang gumawa ng imahe ni Panday, ni Kamandag at ni Bakekang. Visual arts means, nakikita ang kanyang likhang sining.
Dito ko na ipapasok ang kahalagahan ng isang Direktor sa pelikula. Ang kredito nitong natatamo sa isang pelikulang naging Best Picture. Sa komiks, bilang isang writer at director din ng kanyang obra, natural na siya ang umani ng parangal. Siya ang nagbibigay ng direktiba sa isang illustrator kung anong anyo, anong eksena, anong panahon, anong kasarian, ang kanyang iguguhit. Hindi maaaring i-drawing na lang ng isang illustrator ang gusto niya o makipag-argumento sa sumulat na ganito ang gusto. Gaya halimbawa sa karakter ng nobela kong “Malgan” na iginuhit ni Celso Trinidad. Maiguguhit ba ni Celso Trinidad ang karakter ko kung hindi ko idinetalye sa aking illustration guide na “sipit” ng alimango isang kamay nito? Maiguguhit din ba niya kung nasaan ang eksena? Kung araw o gabi, kung nasa bundok, karagatan o kagubatan ang tagpo? Kung umiiyak, tumatawa, ang karakter? Kung close shot o full shot. Kung ano ang anggulo, ang background etc. etc. Ang ginagawa bang ito ng isang scriptwriter sa pamamagitan ng illustration guide at mula sa kanyang imahinasyon na isasalin lamang ng illustrator para mabigyan ng larawan ay hindi ninyo maituturing na “visual arts”. Kailangan ba na ang nakikitang drawing mismo gaya ng katagang “visual” ang ating isasaalang-alang? Letra por letra? Paano na ang visual na nakatago sa likod ng nagdo-drawing o likod ng kamera? Gaya ng director sa pelikula at scriptwriter sa komiks?
Ang pagiging dibuhista ay isang trabaho at dito siya binabayaran. Ganoon din ang cinematographer sa pagkuha ng magaganda at artistikong anggulo. Pero sa isang scriptwriter na lumikha ng isang karakter sa kanyang nobela na naging popular at institusyon ay dadalhin niya ito at tataglayin hanggang kanyang kamatayan.
Tungkol sa guidelines na sinusunod ng NCAA. “Artist.” Itatanong ko lang sa inyo. Ano ba ang pagkakaintindi ninyo sa pagiging “artist?” Kailangan bang isa lamang siyang pintor, o illustrator? Ang isa bang writer ay hindi maituturing na artist? “who have created a substantial body of works” Si Carlo J. Caparas ba ay bagsak sa paglikha ng substantial body of work? Gaano ba karaming nobela ang kanyang sinulat sa panahon ng kanyang pagiging komiks writer? or displayed excellence in the practice of their art form thus enriching artistic expression or style. Ang pagsusulat ba ng komiks script ay hindi isang art form kung saan ang pagbibigay mo ng illustration guide sa isang illustrator na nagdidibuho nito ay hindi rin maituturing na excellence in the practice, thus enriching artistic expression or style. Makatarungan ba na ibigay lamang ang kredito nito sa isang dibuhista? Kung walang magdidirihe sa kanyang iguguhit ano ba ang ating makikita sa kanyang obra, hindi ba’t blangko?
Hindi naman marahil maaabot ni Carlo J. Caparas ang kanyang katayuan kung hindi siya umani ng respeto at paghanga sa industriya at sa mga naging kasama niya dito. Ang bulto ng gawa ni Carlo pang-masa. Sila ang nagbigay ng recognition sa mga sinulat ni Carlo. Ang pagiging popular ng kanyang mga karakter na nilikha at ang pagiging bukang-bibig nito ang makapagpapatunay. Kung ang director sa pelikula ay nabibigyan ng parangal sa ganitong kategorya, sa kabila ng siya ay nasa likod ng camera, sa komiks sa sarili kong opinyon, si Carlo J. Caparas ay “pasok” din sa pamantayang hinahanap sa kategoryang nabanggit.
Wednesday, August 12, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment